Flashback. Hapon matapos ang bangayan ni Rivaille at Mikasa.

Sa isang bangko sa gitna ng kakahuyan at ng lumang kastilyong ay makikitang naka-upo si Corporal Rivaille.

"Heichou?"

"Heichou?"

Nakaramdam si Rivaille ng pagyugyog sa kanyang balikat. Nang ibaling niya ang kanyang tingin sa direksyon ng pagyugyog ay sumambulat sa kanya ang isang pares ng matang kulay ginto na punong-puno ng pag-aalala.

"Heichou, ayos ka lang ba? Kanina pa kita tinatawag pero parang wala ka sa iyong sarili," nag-aalalang tanong ni Petra. Hindi pa rin tinatanggal ni Petra ang kanyang titig kay Rivaille na tila ba'y mananatiling ganito hangga't hindi siya nakakasiguro na ayos lang ang lagay ng kanyang heichou.

"Ayos lang ako," kalmadong sagot ni Rivaille habang nakatingin sa kulay kahel na kalangitan, ang kanyang kulay itim na mga mata ay nagmistulang kulay ginto na rin dahil sa sikat ng papalubog na araw.

"Kanina ko pa kasi napapansing nakaupo ka rito at hindi gumagalaw." Inalis ni Petra ang kanyang tingin kay Rivaille at ibinaling ito sa lupa.

"May nangyari lang na hindi maganda kanina," malamig na sagot ni Rivaille. "Magpapahinga muna ako sa aking kwarto. Salamat sa pag-aalala." Nakaramdam si Rivaille nang pagpisil mula sa kanyang balikat. Nang ibaling niya ang kanyang tingin sa kanyang balikat ay doon niya napansing nakahawak pa rin sa kanyang balikat ang kaliwang kamay na ginamit ni Petra sa pagyugyog nito sa kanya kanina-kanina lang. Inilihis ni Rivaille ng kaunti ang kanyang tingin patungo sa mukha ni Petra. Ang sinag nang papalubog na araw ay lalong nagpatingkad sa kulay gintong mga mata ni Petra. Nakangiti ang kanyang labi at kakikitaan ng bahagyang pamumula ang kanyang pisngi.

"Ah, Petra?" Si Petra naman ang hindi umiimik ngayon. "Petra?" ulit ni Rivaille. Tila nakakulong pa rin si Petra sa kanyang sariling mundo. Hinawakan ni Rivaille ang kaliwang kamay ni Petra na nakahawak sa kanyang balikat at bahagyang pinisil ito para makuha ang atensyon nito. "Petra," malamig na tawag ni Rivaille sa babaeng nasa harap niya.

Napatalon si Petra mula sa kanyang pagkaka-upo. Lalong namula ang kanyang mukha at ang kanyang mga mata ay hindi makatingin nang direkta sa mga mata ng kanyang heichou.

"Patawarin niyo ako heichou!" sigaw ni Petra sabay yumukod sa harap ni Rivaille at wari'y hiyang hiya sa harap nito. Tinignan lang siya ni Rivaille na walang ideya kung bakit ganoon ang inasal ni Petra. Hindi niya alam kung anong ginawa ni Petra para manghingi ito ng kanyang kapatawaran.

"Ah," lang ang tanging naisagot ni Rivaille.

"Patawad, heichou!" ulit ni Petra.

"Teka, anong...ginawa mo?" ang nalilitong sabi ni Rivaille. Itinaas ni Petra ang kanyang ulo mula sa pagkakayuko at ngumiti kay Rivaille.

Bigla tuloy naisip ni Rivaille na napakahirap intindihin ng mga babae. Kaninang umaga lang ay isang babaeng cadet ang walang takot na kinutya siya sa harap ni Irvin, Hanji, at mga kaklase nito. Galit na galit ito sa kanya na tila ba'y may malalim na pinaghuhugutan, at matapos ang ilang sandali lang ay nakangiti na ito na parang wala nang bukas. Ngayon naman heto si Petra sa kanyang harapan, nanghihingi ng kapatawaran sa isang kasalanang hindi naman nangyari.

Mga babae nga naman.

Tinanggal ni Rivaille ang pulang bandanang nakapulupot sa kanyang leeg. Tumayo ito at lumapit kay Petra.

"Kung gusto mong patawarin kita," sinabi niya iyon kahit na wala siyang ideya sa kasalanan ni Petra, "itago mo ito para sa akin." Dahan-dahang ipinulupot ni Rivaille sa leeg ni Petra ang pulang bandanang sanhi ng kanyang pag-iisip.

"Ah, heichou?" nagtatakang tanong ni Petra.

"Gusto kong itago mo iyan para sa akin. Sumasama ang pakiramdam ko kapag nakikita ko ang bandanang iyan," pasimangot na tugon ni Rivaille. "Alagaan mo iyan dahil mukhang importante ang bagay na iyan na may-ari nito. Itago mo sa lugar na walang makakakita. Kukunin ko rin iyan sa 'yo balang araw kapag kumalma na ang lahat."

"Hindi niyo ito pag-aari?" tanong ni Petra.

Nagsimula nang maglakad pabalik sa lumang kastilyo si Rivaille nang marinig niya ang tanong ni Petra.

"Kaya ko nga iyan pinapatago sa iyo…" tumigil si Rivaille sa paglalakad at lumingon pabalik kay Petra, "dahil alam kong babalikan ako nang may-ari ng bagay na iyan. Pwedeng bukas, sa isang bukas, o kaya mamayang gabi."

Lalong gumulo ang isip ni Petra sa mga sinabi ni Rivaille, pero hinayaan niya na lang ito.