Disclaimer: Hindi ko pag-aari ang Shingeki no Kyojin.
"Nasaan si Mikasa?" tanong ni Armin habang kumakain ng agahan.
"Nakakapagtaka kasi si Mikasa ang palaging nauuna rito," sagot ni Christa habang pinaglalaruan ang kutsarang nakalubog sa agahan niyang sopas. "Baka napagod siya sa pagsasanay natin kahapon kaya di pa siya nakakabangon."
"Si Mikasa, napagod? Nagbibiro ka ba?" pakutyang tanong ni Jean.
"Pag gising ko kanina wala na si Mikasa sa kwarto namin," sabat ni Sasha na pupungay pungay pa ang mga mata. "Pero, nakita ko siya sa labas kanina, parang may hinahanap."
"Baka si Eren lang hinahanap nun. Alam mo namang may espesyal na pagtingin yun kay Eren," bulong ni Connie sa mga kasama na may kasamang pag kindat. Pasimple siyang sumulyap kay Jean na pakunwaring hindi napansin si Connie.
"Hinahanap niya si Eren sa halamanan?" tugon ni Sashang nakataas ang kilay. " Nakita ko siyang tila may hinahanap sa halamanan malapit sa kulungan ng mga kabayo kanina. Mukhang importanteng bagay yung hinahanap niya. BAGAY, Connie, at hindi bagay si Eren."
"Hindi ba't doon tayo nagsanay kahapon?" tanong ni Christa.
"Baka nalaglag ni Mikasa dun yung hinahanap niyang bagay."
"Alam ko na kung anong hinahanap ni Mikasa!" bulaslas ni Connie na biglang kumutitap ang mga mata. "Nalaglag niya ang…"
"Ang alin?" sabay na tanong ng kanyang mga kaibigan.
"Ang kanyang puso! Hinahanap niya ang kanyang puso na nalaglag kahapon nang makita niya si Eren matapos ang matagal na panahon," puno nang kumpyansang tugon ni Connie habang nakapamewang.
Sabay-sabay tumayo ang mga bagong miyembro ng Scouting Legion sa hapag kainan at iniwan si Connie na walang kausap kundi ang hangin.
Kagaya nang dati, maagang nagising si Mikasa. Kahit na siguro anong pagod ang danasin niya ay maaga pa rin siyang magigising. Nasanay na kasi ang katawan niyang gumising nang maaga noong mga bata pa lang sila ni Eren. May pagkamahigpit kasi noon si , ang ama ni Eren. Gusto niyang pagpatak nang alas-5 ng umaga ay gumising na silang dalawa para tumulong sa mga gawaing bahay.
Gising na kaya siya ngayon?
Hindi maipagkakaila ni Mikasa sa kanyang sarili na nangungulila siya kay Eren. Simula noong iligtas siya ni Eren sa kamay ng mga taong pumaslang sa kanyang mga magulang ay isinumpa na ni Mikasa sa kanyang sarili na gagawin niya ang lahat maprotektahan lang si Eren. Subalit, si Eren ngayon ay nasa kamay ni Corporal Rivaille ng Scouting Legion. Hindi niya magawang pagkatiwalaan ang taong iyon matapos ang ginawa niyang pambubugbog kay Eren noong litisin si Eren ng mga kinauukulan. Isipin pa lang ni Mikasa ang Rivaille na iyon, nakakaramdam na siya kaagad ng galit. Hindi niya alam kung ano ang ginagawa ng Corporal na iyon ngayon kay Eren. Paano niya mabibigyan ng protekston si Eren kung malayo ito sa kanyang tabi? Pero naisip niya na mas makakabuti ito kay Eren. Ang mahalaga ay buhay si Eren. Nabulabog ang pagmumuni-muni ni Mikasa nang biglang,
"Karne, patatas,hmmm…"
Napaupo si Mikasa mula sa kanyang pagkakahiga sa kama. Napangiti si Mikasa nang makita ang itsura ng kanyang roommate na si Sasha. Nakabuka ang bibig nito. Sa gilid ng kanyang labi ay tumutulo ang kanyang laway na unti-unting dumadaloy papunta sa kanyang panga. Nakataas ang mga kamay ni Sasha sa posisyong tila susuko sa pulis.
Marahil ay nanaginip si Sasha na nagnakaw siya ng pagkain at nahuli siya ng kusinero. Napatawa si Mikasa nang mahina sa naisip niyang panaginip ng kaibigan.
Pumunta si Mikasa sa kanyang kabinet para kumuha ng malinis na uniporme. Papunta na sana si Mikasa sa banyo nang bigla niyang naalala na mayroon siyang nakalimutang kunin. Dali-dali siyang bumalik sa kanyang kabinet para hanapin ang nawawalang bagay. Wala. Itinuon niya ang kanyang tingin sa kanyang kama, tinanggal niya ang kanyang kumot, pinagpag niya ang mga unan, tinignan niya ang ilalim ng kutson at kama ngunit bigo pa rin siyang makita ang kanyang hinahanap.
"Ibalik mo karne ko…" nananaginip na tugon ni Sasha, walang pakialam sa maingay na paghahanap ni Mikasa.
Hindi mapakali si Mikasa. Naglakad siya nang pabalik-balik sa kwarto habang nag-iisip sa mga posibleng lugar kung saan maaring nahulog ang kanyang hinahanap. Biglang sumagi sa isip niya na baka nalaglag ito kahapon habang sila ay nagsasanay. Marahil ay hindi niya napansing nawawala ito dahil sa sobrang kapaguran. Napatingin siya sa labas ng bintana. Hindi pa sumisikat ang haring araw, walang mangyayari kung ngayon siya maghahanap sa labas kaya minabuti muna ni Mikasa na maligo. Marahil ay makakalma siya nang pagpaligo. Marahil.
Hindi nakatulong ang pagligo kay Mikasa, balisa pa rin siya. Kaya nang makita niyang sumilip ang haring araw sa mundo ay agad-agad siyang lumabas para hanapin ang pinaka-importanteng bagay para kanya.
Alas-9 na nang umaga. Ibig sabihin ay simula na nang pagsasanay ng mga bagong miyembro ng Scouting Legion. Ngayong araw ay pag-aaralan nila ang tungkol sa pormasyong gagawin ng Scouting Legion sa oras na lumabas sila ng pader.
"Hay salamat at hindi pisikal na pagsasanay ang gagawin natin ngayon," masayang tugon ni Sasha.
"Wala pa rin si Mikasa, nag-aalala na ako," ika ni Armin.
"Malamang hindi pa niya nababawi ang kanyang puso." sabat ni Connie na hindi pa rin sumusuko sa kanyang walang katuturang teorya.
"Sinong hindi pa nababawi ang puso?"
Sabay-sabay silang lumingon sa likod at nakita si Mikasa na papalapit sa kanila.
"Ah, si.. si Jean. Ninakaw mo raw kasi ang puso ni Jean," bulong ni Connie kay Mikasa.
"Anong ibig mong sabihin?"
"Naku magsisimula na! Pasok na tayo!"
Dali-daling napuno ang kakaunting bakanteng silya sa loob ng silid. Hindi maintindihan ni Mikasa ang mga sinabi ni Connie sa kanya. Anong meron kay Jean? Napatingin si Mikasa kay Jean, at huling-huli niya sa akto si Jean na nakatitig sa kanya. Nabigla si Jean at dali-daling ibinaling ang tingin sa sahig. Nang sandaling iyon biglang naging interesado si Jean sa sahig, tila ba sa sahig umiikot ang kanyang mundo. Napansin ni Mikasa na namumula ang mukha ni Jean. May sakit ba si Jean?
Pumasok na ang mga senior officers ng Scouting Legion. Kabilang dito sina Commander Irvin, Hanji, at…
Nagulat si Mikasa sa kanyang nakita. Nanlaki ang kanyang mga mata at nailagay ang kanyang mga kamay sa kanyang bibig. Ang pinakamahalagang bagay sa kanya sa wakas ay nakita na niya. Ngunit, bakit nandoon ito? Naka pulupot sa leeg ng pinakakinaiinisan niyang tao sa mundo. Ang kanyang bandana, ang bandana na ibinigay sa kanya ni Eren noong araw na iniligtas siya nito. Ang kanyang pinakakinaiingat-ingatang bagay, bakit nasa leeg ni...
Rivaille?
Napatayo bigla si Mikasa, nanlalaki ang mga mata, lumalabas ang ugat sa noo, nakaturo sa bandana na nakapulupot sa leeg ni Rivaille. Nagulat ang lahat sa inasal ni Mikasa. Napatingin silang lahat sa direksyon kung saan nakaturo si Mikasa. Nabaling ang kanilang atensyon kay Rivaille, bagay na pinakaayaw naman ng Corporal.
"Ako ba ang tinuturo mo?" tanong ni Rivaille sa tonong naiinis.
"Ibalik mo ang bandana ko pandak!" sigaw ni Mikasa na nanggagalaiti sa galit.
"Anong tinawag mo sa akin, bata?" nasa akma nang huhugutin ni Rivaille ang kanyang blade nang may kamay na pumigil sa kanya.
"Pandak! Bingi ka ba?" pakutyang sagot ni Mikasa. Tila nakalimutan na ni Mikasa ang kanyang asal sa sobrang galit. Iniisip niya na ninakaw iyon ni Rivaille sa kanya. Ninakaw na ng pandak na ito si Eren at pati ang tanging bagay na nagpapaalala sa akin kay Eren kukunin pa niya?
Nanlaki ang mga mata ni Rivaille. Wala pang tumawag sa kanya ng ganoon mula ng siya ay maging isang sundalo. Nirerespeto siya ng lahat dahil sa angkin niyang galing sa pagpatay ng mga titan. Hindi siya makapaniwalang isang cadet ang maglalakas loob na tawagin siya ng ganoon. Kung hindi lang dahil sa kamay ni Irvin na pumipigil sa kanya, kanina pa niya pinagpira-piraso ang katawan ng tamplasang bata na iyon.
"Cadet Ackerman, humingi ka ng tawad sa iyong superior," tugon ni Hanji.
"Hindi ko po iyon magagawa hanggat hindi ibinabalik sa akin ng pandak na iyan ang aking bandana!" sigaw ni Mikasa.
"Ito ba ang tinutukoy mo?" sabay turo ni Rivaille sa bandana sa kanyang leeg. "Paano ko malalaman na sa iyo nga ito? At kung sa iyo nga ito, kasalanan mong pinabayaan mo ito," pang-aasar ni Rivaille. "Kung sino ang unang nakakita, sa kanya na iyon. Iyan ang batas dito sa Scouting Legion."
"Bagong batas ba yan?" tanong ni Hanji.
"Tumahimik ka!" sigaw ni Rivaille. "Pero kung gusto mo talagang makuha ito..." ngumiti si Rivaille "dapat lang na paghirapan mo."
Ang unang Filipino fic (yata?) dito sa SNK! Sa mga nakakaintindi ng Filipino, nawa'y mag-iwan kayo ng rebyu pagkatapos niyong basahin ang fic na ito. Maligayang Buwan ng Wika!