A shorthairedsuke HS AU snippet written in Tagalog. :D Might translate this to English and upload soon.
o - o - o
"Mga tol, may badtrip na papasok sa classroom in 3...2...1!"
"HALA!" Sabay-sabay na napasigaw ang buong klase sa nakita, yung iba ay napabalikwas pa. Tama ang anunsyo ni Naruto matapos siyang sumilip sa bintana ng silid-aralan ngunit hindi lang ito ang gumulat sa mga kaklase niya.
Bagamat naiintindihan ni Shikamaru ang nararamdaman ng kaklaseng kakapasok lang, naibsan nang kaunti ang sama ng loob niya nang makita ang itsura nito dahil hindi lang pala siya ang nakaranas ng higpit ng punong-guro nila. "Ayos, ikaw din pala."
"Tch. Ano'ng "ayos" dito?"
"Oi, Sasuke! Kawawa yung upuan!"
"Tumahimik ka, dobe."
"Ah gano'n...Ay teka, mali pala, ikaw yung kawawa kasi mababawasan na yung mga nagkakagusto sa'yo!" Napuno ng tunog ng tawa ni Naruto ang silid-aralan.
"Hn. Ano'ng paki ko?"
Natahimik si Naruto nang marinig ang sagot ng kaibigan at nang bigla siyang itulak ni Ino para makalapit kay Sasuke. Tila may luha pa sa gilid ng mga mata ni Ino habang sinasabing, "B-bakit...Sasuke...hindi dapat ginawa sa'yo 'to ni Ma'am Tsunade!"
"Edi itanong mo siya. Hindi ko naman 'to ginusto."
"Eh ako ba gusto mo?"
Tinitigan lang siya nang masama ng binata habang may sumigaw sa bandang harapan ng silid, "Feeling mo diyan, Ino!"
"Heh! Hindi kita kinakausap. Kausapin mo 'yang noo mo!"
"Hindi ka rin naman kinakausap ni Sasuke bago mo siya lapitan ah?" Muling humagalpak si Naruto nang barahin ni Shikamaru ang kagrupo nito sa thesis. "Saka, ganyan ka mag-react nung nakita mo yung kay Sasuke pero yung sakin wala ka namang comment. Ako nga may poknat pa."
Habang nagkasagutan at nagkahampasan ng libro ang dalawang kaklase, napabuntong hininga si Sasuke at nagdesisyong lumipat na lamang ng upuan. Muntik pa siyang mapa-atras nang makitang ang bakanteng upuang natitira ay yung nasa harapan na lang, pero dahil wala na siyang ibang magawa, umiwas na lang siya ng tingin habang naglakas-loob na tumabi sa kaklaseng nakasagutan din ni Ino kanina.
Ngunit bigla siyang kinalabit nito. "Okay naman kahit papaano, ah?"
"Ano'ng okay? Kainis ka."
"Lagi ka namang inis sa'kin eh." Natawa nang mahina ang dalaga. "Pero totoo nga, bagay naman sa'yo yung medyo maikling buhok. Hindi lang kami sanay."
Napatitig nalang si Sasuke kay Sakura habang nakangiti ito sa kanya. Hindi niya maintindihan ang bigla niyang naramdaman, ngunit tila may malaking epekto sa kanya ang opinyon ng malapit na kaibigan. Kahit pa hindi niya hiningi ito.
"Buhok lang naman yung nagbago sa'yo eh. Pero ikaw pa rin yung Sasuke-kun ko." Lumawak ang ngiti ni Sakura sabay ng tila pagpula ng kaniyang mga pisngi.
At tumigil ang mundo nang napangiti pabalik si Sasuke. Badtrip ba kamo? Ah, hindi na.